Minsan ang sarap sabihing "Lintik ka Amerika."
Hindi ko kasi maintindihan kung bakit maraming Pilipino ang naakit sa "greener pastures" mo. Nagpupunta sila dyan, nagtatrabaho para sa iyo. Nagbabayad ng tax mo. Sumusunod sa mga batas mo. Nag-iingles at nagkakaroon ng "American accent." Tapos uuwi dito sa Pinas, maganda na ang buhay nila. Nagmamataas. Nagmamayabang. Pilipino ka ba talaga? (Hindi ko nilalahat, pero aminin na natin, may katotohanan ang naturing kong iyan.)
Subukan nga nating ikumpara ang Amerika sa Pilipinas . . . Baka sakaling malinawan ang isip ko.
Dito sa Pilipinas, kaka-onti ang trabaho. Maswerte kung mag-invest ang Amerika at magbukas ng factory ng Forever 21, katulad ng mga iba pang factory ng mga signature clothes mula sa bansa nila. Maraming blue-collared jobs ang magbubukas. Pero bakit dito? Mas mura ang labor sa Tsina, at mas maraming tao sa Tsina.
At kung sakaling may trabaho ang isang regular na mamayan, ang sweldo naman nya hindi sapat sa pamilya nya. Nagpapakapagod, nagpapakahirap, pero kulang pa rin ang lahat.
Tapos dito rin sa bansa, ang mga manggagawang nagbabayad ng tax, nakikinabang ba sa tax nila? Maraming kwestyon tulad ng bakit hanggang ngayon nakatiwangwang pa ang kalsadang proyekto ng alkalde mo?
At higit sa lahat, sino nga naman bang gugustuhin dito sa Pilipinas kung isa ito sa mga bansang may pinaka-corrupt na gobyerno sa mundo. Impeachment trial ay circus! Tangna, kanya-kanyang pagmamalinis. Sino ba sa inyo ang hindi nagnakaw at nakinabang sa kaban ng bayan. Alam kong mayroon pang malilinis, pero hanggang kailan kaya sila hindi mababahiran ng dungis...
Pero, huwag din natin kalimutan na dito sa Pinas, ang teleserye paulit-ulit ang istorya (patay na, buhay pala). Ang mga aktres at aktor, nagsasapakan. Ang mapupulot sa PBB Teens ay ewan.
Kaya naman pala! Bakit hindi tayong lahat magpunta sa Amerika? Kayo na lang siguro. Pero hindi ako.
Hindi ako pupunta sa Amerika, o sa ibang bansa, na ang iniisip ko lang ay ang kapakanan ko. Tangna, kaya nga ako pinanganak na Pilipino e. Ibig sabihin, ang pananagutan ko ay sa bansa ko.
Dito lang ako kung saan dapat magsikap, dapat magbayad ng tax, dapat magmatyag sa gobyerno, at hindi dapat manood ng PBB.
Dito ako sa Pilipinas. Magsusulat ng ganito. Maaring pagtawanan ninyo ako.
Pero malaki ang pasasalamat ko sa mga bayani nating nakipaglaban para sa kalayaan natin? Sa lahat ng Pilipinong sumalungat sa Katolikong simbahan. Sa lahat ng Pilipinong tinalikuran ang Amerika. Sa lahat ng Pilipinong nagbuwis ng dugo sa kamay ng mga Hapon. Sa mga matatapang na Pilipinong ipinaglaban ang bansang ito.
Paano ko ba to sasabihin, korni oo, pero pinagmamalaki ko ang bansang ito. Ipinagpapasalamat ko ang 114 taon ng kalayaang tinatamasa natin. Isinasapuso ko ang pagka-Pilipino ko. Atsaka, it's more fun in the Philippines diba?!
Simpleng paalala lang ito para sa lahat ng kapwa ko, kahit nandito ka o sa dayuhang lupain man, wag mong kalimutang Pilipino ka. Wag kang sakim. Magbayad sa bayang nagluwal sayo, maliit o malaki. Siguro kung lahat ng Pilipino, may kahit kakapiranggot na commitment kay Perlas ng Silangan . . .
Naniniwala akong ang "commitment" na iyan ang pag-asa ng bawat isa sa atin--hindi si Willie o si Pacman.
Pero teka! Hindi ako yong moralistang preacher na tinutukoy ng kaibigan ko. Puro salita (o sa akin puro sulat) lang, walang gawa. May pangarap po ako para sa bayan ko. :) Sana po, magawa ko, pagsisikapan ko.
***
"Una ang Panginoon. Pangalawa ang bayan. Pangatlo ang pamilya. At huli ang sarili."
Ang pinakamahalagang aral na natutunan ko Mababang Paaralan ng Taguig. Sa guro ko na nagbigkas nyan, salamat po.
Maligayang Araw ng Kalayaan Bayan ko!
p.s. Buti pa si Google, hindi nakalimot.
Tuesday, June 12, 2012
Subscribe to:
Posts (Atom)