Sinong nagsasabing di humihinto ang mundo? Dito sa mga kalye ng Pinas, aba'y OO!
Ano pa bang bago sa trapiko? Ang hindi mahigpit na pagpapanukala ng batas trapiko, sa pagpapasaway ng mga mamamayang Pilipino, sa parehong kampo ng mga awtoridad, at pasaherong pribado o pampubliko, wala pa rin namang nagbabago. Bukod na lang marahil sa pabago-bagong kulay ng mga overpass, depende sa mahiligan ng kung sinong namumuno sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Hindi ko nais mangaral. Hindi ko nais mangwestyon. Ang tanging kaya ko lang namang gawin ay sumakay at bumaba sa tamang lugar, at tumawid sa mga tamang tawiran. Ang totoong balak ko ay magpatawa. TAMA! Gawing katatawanan ang isang araw sa pangkaraniwang buhay ng isang nilalanang na naipit sa trapiko. Mga eksenang alam mo na!
Isang araw, sa buhay ni Iska, siya'y makikipag-EB sa kanyang limang buwan ng dyowa sa text. Sadyang kinakabahan siya! Paano kung ang lalaking mahal (daw) niya ay pangit?! Hindi na 'yon mahalaga, mahal nga naman (daw) nya si lalaki. Kaya kontodo pabango siya sa damit na bagong bili. Sinoot nya pa to ng hindi nilalabhan, aba'y nagliliwanag sa kaputian! Maaliwalas ang panahon, handa ka na Iska sa pag-alis. Tiningnan mo ang oras, alas-onse ng umaga. Aba'y mainit na! Oras na para umalis. Takda silang magkita ni lalaki sa ganap na alas-onse y medya. Tamang-tama, kalahating oras lang naman ang byahe, isang dyip lang at nasa tagpuan ka na. Kung mahuli man siya ng ilang minuto dahil sa trapiko, dapat lang. Basta hindi siya ang maghihintay. OO naman, babae ka Iska.
At sumakay ka na nga ng dyip, o kay luwag na dyip. Maya-maya ay unti-unti nang napuno ang dyip na sinasakyan mo. Paanong hindi, ang tagal atang huminto ng drayber sa tapat ng iskinita nyo. Hindi kaya serbis yang nasakyan mo? Baka may libing na pupuntahan ang mga kapitbahay mo. Lahat ba naman ay piliting pasakayin, kulang na lang pati aso pasakayin.Limang minuto na ang naubos sa oras mo, nasa kanto ninyo ka pa rin! Tapos ganun din ang trip ni manong sa kabilang kanto. Makikipaglibing din daw sila. Limang minuto uli ang naubos.
Aba teka, parang naka-kandong na sa'yo ang katabi mo ha? Hindi pa pala, hindi pa pala kuntento si manong drayber na nagsisiksikan na kayong parang sardinas. Sa sobrang kaswapangan ng drayber sa pasahero, ayon, naipit na kayo sa trapik, ang haba ng linya ng sasakyan mula sa interseksyon. Hindi naman pala papayag si manong drayber na maipit na lang kayo e, ayon, nag-counterflow ng sarili sa kabilang kalsada. Bulag ata sya, e kita mong trapik din sa kabilang kalsada e. Ayan at pasalama't sa'yo manong, buhol-buhol na ang trapik. Hindi ka makausad dahil nakaharang yong Mercedes Benz sa dyip mo. Yong dyip mo kaya nakaharang. Kaya nagbusina ang drayber ng Mercedes Benz, na sinagot ng drayber ng dyip. Sinundan naman ng mga gaya-gaya ang mga pauso! Labin-limang minuto kang nabingi Iska.
Salamat at nakalampas ka na sa interseksyon. Nakahinga ka ng maluwag. Salamat sa hampas ng hanging banayad na dumadampi sa iyong mukha. Ang sarap, ayan, lakasan mo pa hangin, teka sobrang lakas na hangin! Kulang na lang ay matapyas ang anit mo sa iyong ulo sa sobrang karipas ni manong drayber. Pilit mong tinali ang iyong sabog na buhok ng ikaw ay biglang tumalsik sa iyong katabi, at ang iyong katabi ay tumalsik naman sa kanyang katabi! Samantala ay muntikan naman tumagos palabas ng dyip si manong drayber sa lakas ng pagpreno nya. Mabuti at hindi nasagasaan si Kuya na ilang hakbang na lang ang layo sa pink overpass. Siguro nagpapakamatay yon.
Tiningnan mo ang oras, ubos na pala ang trenta minutos mo. Alas-onse y medya na at sa iyong kalkula isang oras pa bago ka dumating! Hinanda mo na ang sarili mo, lahat na ng trapik pwedeng mangyari sa kalsada. Tulad ng nangyayari ngayon, nasa kahabaan ng isang unibersidad ang dyip. Hinto, usad, hinto, usad, hinto, usad, tinanong mo kung gaano katagal pa bago ka makalalampas sa unibersidad na yan. Bakit kasi hindi na lang magsabay-sabay bumaba ang mga estudyante, isa lang naman ang paaralan nila! Hindi kaya galit-galit sila?
Kahit na sasabog ka na ata sa init ng ulo, aba'y maswerte ka naman pala! Dinaan ni manong sa shortcut ang dyip! Ngunit wag ka munang magsaya. Pagpasok ni manong sa eskenita, akalain mong trapik din! Aba't blockbuster na din ang pila ng dyip dito! Hindi mo man lamang naisip na lahat din pala sila ay naisip magshortcut!
Goodluck na lang sa'yo Iska. Kelan ka pa kaya makakalabas dyan sa masikip at pasikot-sikot na kantong pilit ginagawang national road dito sa Pinas. Isipin mo na lang, baka kasalukuyan ding naipit sa trapik si lalaking ka-EB mo. Baka pinilit din ng drayber nya na gawing national road ang masikip at pasikot-sikot na kanto. Malay mo! Manalig ka Iska!
* * *
Maligayang Buwan ng Wika. Lahat ng isusulat ko ngayong Agosto ay nasa Pilipino. =)