Friday, June 24, 2011

Pepe destined for greatness?


Alam kong tapos na ang kaarawan ni Rizal, tapos na rin ang mga kung ano-anung palabas patungkol sa buhay nya at pagsasabuhay ng kanyang kabayanihan. Nasariwa na siguro uli natin ang buong pangalan niyang Jose Protacio blah blah blah Rizal, ang paglalagalag nya sa iba't ibang bansa pati na rin siguro yung mga babaeng nagdaan sa buhay nya. 

May nagsabing si Rizal daw ang unang OFW, ang isa sabi syang ang unang Filipino at ang ilan, tinuturing syang kayumangging kristo(mga ilang Rizalista sa Laguna ay naniniwalang si Rizal  ay ang Diyos Anak). Napakakulay kasi ng buhay ng mokong o magiting nating bayaning si Pepe, at napakaraming nyang iniwan sa atin, hindi lang mga nobela, prinsipyo, kaalaman at dunong pati na rin mga intriga.

Minsan sinabi ng kapatid ko, masyadong pa-cool si Rizal, ang daming alam, ang daming kabalbalan.Cool nga ba sya? Tila ba raw na planado ang pagiging bayani nya mula pa pagkabata. At tila ba hindi na sya totoong tao pag pinag-usapan ang tungkol sa kadakilaan nya. Tila ba halaw rin sa fiction na nobela ang buhay nya paginisa-isa mo ang mga pangyayari nito. Pero henyo nga kaya talaga si Pepe? San nga ba nya nakuha ang mga prinsipyo't dunong nya?

Masasabi kong maraming syang naiwang misteryo at intriga kasi hanggang ngayon, may mga bagay tungkol sa kanyang buhay na hindi natin malaman ang katiyakan at nangangailangan pa rin ng sagot.

At ayun na nga ang mga bagay na gumulo o naglalaro sa isip ko. Ang dami rin kasing naiwan na tanong sa mga tao, kung nag-retract o nagbalik loob ba sya sa simbahan bago sya namatay, kinasal kaya talaga sila ni Josephine Bracken, anu kaya ang nilalaman ng sulat na nilagay niya sa kanyang sapatos bago sya mamatay?

Ayon sa mga librong nabasa ko, at mga artikulong nababasa ko sa dyaryo (Looking Back by Public Historian Ambeth Ocampo, Inquirer) wala naman pinagkaiba si Pepe sa ibang bata ng kapanahunan nya kung hindi ang humongous o malaking ulo nito. Lampayatot pa nga raw si Pepe kaya tinuruan sya ng kanyang tiyo na mag wrestling. Nag-aral si Pepe sa Maynila sa murang edad, nag-aral sa Ateneo. Ayon sa mga libro, magaling raw si Pepe sa acads(academics) nya pero naisip ba natin kung ilan sila sa klase? Outstanding nga kaya sya sa acads nya? Eh ilan naman kaya sila sa klase nila? Sampu? Baka mamaya lagpas sampu lang sila at slighty average lang ang IQ nya. Marami na nga kayang mag-aaral nung mga panahong iyon ni Pepe? Di kaya siksikan rin sila tulad ng nangyayari ngayon sa mga pampublikong paraalan? At teka, may nakapulot kaya ng tsinelas nya ng mahulog ang isang parehas nito sa lawa ng Laguna? At napulot rin kaya ng nakapulot yung isang kaparehas na ibinato nya sa lawa?

Nasa edad bente pataas si Pepe ng lumisan para mag aral sa Europa at dito makikita mong lagalag talaga si Pepe, napakarami nyang napuntahang lugar. Nilibot nya nga ata ang boung Europa. At napadpad rin sya sa Alemanya.At nagkaisyu pa nga siyang tatay daw ni Adolf Hitler dahil minsan itong napadpad sa Alemanya, pero napatunayan naman na ito'y imposible sa hindi pagtutugma ng mga petsa ng mga pangyayari sa kapanganakan ni Hitler at pagpunta ni Pepe sa Alemanya. Kung ako ang tatanungin mo, oo sasabihin kong gala si Pepe at tunay na lakwatsero (kahit sabihing nag-aaral sa dun sa ibang bansa, sympre may mga perks yun :P).

Hep-hep-hep! Kung akala mo sa Europa lang sya napadpad, hindi ah napunta sya Hongkong Malaysia at Japan! Grabe tong taong 'to. At marahil dun rin umusbong ang labis niyang pagmamahal sa bayan ng iniwanan nya ito. At alam nating 'di sya nakatiis. Dahil alam niyang ang tunay na laban ay nasa Pilipinas at wala sa ibang bansa. At kung may nagawa siyang kadakilaan, sigurado akong hindi nya yun nagawang mag-isa.

Maraming na-link kay Pepe, ang ilang bilang ay siyam pero ay nagstand-out. Si Josephine. Nagpakasal nga kaya sya kay Josephine? Kung oo, nasan ang marraige certificate? Nasan ang NSO sa panahong iyon at kailangan natin sila? Kung meron mang pinatunayan si Pepe rito, isa lang yun. Mala Balagtas pala sya, isang masuyong mangingibig. Nagretract nga kaya talaga si Pepe para payagan makasal kay Josephine? At totoo kayang may syphilis ito?

Maliban sa Mi Ultimo Adios mayroon pang sulat na ginawa si Pepe bago sya mamatay na isinilid nya sa kanyang sapatos. Kaso hindi na nakuha ito kasi hindi na binigay sa mga Rizal ang bangkay ni Pepe. At marahil kasama na itong na decomposed nang mamatay sya. Anu kaya ang nilalaman nun? May hawak kaya talaga si Pepeng rosaryo sa kamay nya nung nabaril sya? Kung meron man, sapat na katibayan na ba ito para sabihing totoong nagbalik loob sya sa simbahang Katoliko? Hmm...

Bago bitayin si Pepe, may nagpropose na iligtas sya sa Fort Santiago, pero unang 'di sumang ayon ang kapatid nyang si Paciano. Bakit kaya? Ginusto kaya niyang isakripisyo ang kapatid nya para lalong maghimagsik ang taong bayan? Ginawa nya kayang trigger ung kapatid nya? At bakit ni minsan hindi nagkwento si Paciano patungkol sa rebolusyon sa mga anak nya matapos ito? Camera shy nga rin kaya sya? Kasi dalawang larawan lang meron si Paciano sa buong buhay nya. Bakit kaya?

Ang hindi ko kasi maintindihan ay kung planado ang nangyari sa Bagumbayan nung barilin sya? Kung bakit normal ang heartbeat nya ng suriin sya ng isang doktor bago sya barilin? Hindi ba sya kinakabahan? Hello papatayin ka na! Bakit napili pa nyang sabihin ang consumatum est ng barilin syan na ibig sabihin ay all is done? Na sya ring sinabi ni Kristo bago sya mamatay? Di kaya sya nga talaga ... uhmm, teka malabo yan!

Parang sumasang ayon na nga ako sa kapatid ko ngayon, pa-cool si Pepe. At pa-cool sya hangang sya'y bitayin at mukang hanggang ngayon cool sya. Tsk. Kung tatanungin rin anung tingin ko sa kanya, masasabi kong tulad rin natin sya, isang  kabataan, na naghangad lang ng mas mabuting kalagayan sa ating bansa. Walang syang pinagkaiba sayo o sa akin. Dahil tulad nya, marami tayong kayang gawin kung gugustuhin at pagsisikapan lang natin. Nag-aral sya, naglakbay, naglakwatsa, umibig, nabigo pero umibig muli, naghanap ng kasagutan sa mga tanong at naghanap ng dunong. At ginamit ito bilang sandata.

Eh anu bang kinalaman ni Pepe sa atin? Malaki mga mokong, gawin natin syang ehemplo si Pepe 'di lang para sa ating mga sarili kung hindi para na rin sa bansa natin, mag aral tayo, maghanap ng dunong, kumilos at tulungang bumangon ang ating bayan. Dahil tayo rin ang hahalili sa ating bayan pagdating ng panahon at kailangan nating itong pangalagaan para naman sa mga susunod na henerasyon. 

*Blogger's Note: No, I am not the author of this post Jose Rizal story tackling on the National Hero's greatness and its underlying, unending questions and mysteries. This is written by a very good (and smart!) friend of mine. Si Ayban. 

I was actually kinda envious on how knowledgeable he is regarding Rizal. While me, I'm all talk. I say his my idol while there's so little I know about the hero. But even if I'm less competent, let me do say that Rizal is my greatest inspiration in writing. He made me believe that with words, one can give greatness to his country. 

And Rizal, he made me dream, that with writing, I can, even just a little bit, make change. :)

P.S. Only the second time that I've borrowed someone else's writing. :)

No comments:

Post a Comment