Friday, August 13, 2010

Kalaro

News from last night says that in the Philippines there are a million women that undergoes abortion a year, and that three women dies from abortion a day. Coincidentally, I have finished a short story the other night that tells of abortion. 

* * *

Tanaw ko ang lahat sa aking kinauupuan. Dito sa kusina ng aking bahay, saksi ako ng naiwang bakas ng nagdaang bagyo. 


Naipon ang di pa natutuyong tubig ulan sa mga lubak ng daan at nagmistulang maliit na batis. Sa kahabaan ng kalsada ay ang mga kabahayan. May mga gawa sa kahoy, at may iilang gawa sa konkreto. Pero dahil pugad ng iskwater ang aming lugar, karamihan ng mga bahay dito ay gawa sa mga pinaglumaan, kalawangin, at halos luray-luray na mga materyales mula sa gulong, yero, plywood, tarpaulin ng kandito ng nakaraang eleksyon na todo sa pag ngiti at kahit ano pang akala mo'y wala ng pakinabang hanggang sa ang mga ito'y pinagtagpi-tagpi at naging isang tahanan. 


Isa nga dito ang aking tahanan. Ngunit mas nakaaangat man ang iba, hindi rin sila nakaligtas sa bagsik ni Bagyong Basyang. Nagkalat ang mga nagliparang yero, nagibang mga dingding, at nalaglag na sanga. Lahat ng kayang tangayin ng hangin ay kung saan saan lang napadpad. 


Ngunit sa gitna ng kaguluhang ito ay mas kapansin-pansin ang mga batang naglalaro dahil na rin sa suspendidong klase. Maliwanag ang bagong umaga. Hindi alintana ng mga inosenteng paslit ang takot at lamig na dala ng bagyo kagabi. Madami ang mga paslit dito sa amin. Sunod-sunod kasi ang mga di inaasahang pagbubuntis. Ang magkapatid na sina Nonoy, limanga taong gulang at Jessa, apat na taon, ay nagtatampisaw sa naipong tubig sa kalye. Hindi alintana ng ina ang duming makukuha nila sa paglalaro sa maputik na tubig. Isinaboy ni Nonoy ang maduming tubig kay Jessa. Lalo pang natuwa si Nonoy ng makitang nadumihan ang kapatid na nakapanty lang. Nagsimula ng mainis at maiyak si Jessa. Padabog nyang binagsak ang mga paa sa putikan at di sinasadyang matalsikan si Nonoy. Imbis na magalit ay ginaya ni Nonoy ang pagdadabog sa putikan. Mukhang natuwa sila sa ganoong paglalaro dahil huminto na si Jessa at sabay na silang nagdabog-dabog ng kapatid. 


Samantala ay maingay namang naghahabulan sina Aaron, Zean, Micmic at Jomar. Ang kanilang mga edad ay mula anim hanggang walo. Habang tumatakbo ay winawasiwas nila ang mga bitbit na putol na sangang may dahon pa. Maya maya pa ay tila umaarte ng albularyo si Jomar, ang pinakamatanda, at mistulang pinapaspasan si Aaron. Hindi ko alam kung naintindihan nila Zean at Micmic ang nais palabasin ni Jomar pero gumaya na din sila. Ang ibang mga batang kasing edad ng apat na ito ay naghahabulan din ng sarili sa kabilang dako. 


Ang ilang mas matatanda na, sina Ana at ang mga kalaro nyang babae ay nagkakantahan. Sila ay nasa sampung taong gulang hanggang labin-dalawa. Minsan ay sinasabayan ng sayaw ang mga kanta nila, ganun na din ng kantiyawan na mauuwi sa malakas na tawanan. 


Dito sa kusina ay batid kong lahat ng kilos nila. Simple lang ang mga bata. Hindi hihinto ang mundo nila kahit huminto na ang lahat sa paligid nila. Kitang-kita ko ang paghakbang ng maliit na paa, ang pagngiti ng bungi-bunging ipin, at ang pag-indayong ng malalayang katawan. Napakasaya nila. Wala silang damang pagod dahil tiyak mahimbing pa rin silang nakatulog. Ang kanilang mga ina ang nanatiling gising para mayakap at maprotektahan sila sa magdamag. 


Gustong kong umiyak. Iniisip ko, magiging kalaro rin kaya ng mga batang ito ang anak ko? Kung sakaling nabubuhay siya ngayon, tumatakbo, nadadapa't umiiyak, tumatawa, kumakanta't sumasayaw din kaya siya ngayon? Ngunit hindi ko siya binigyan ng pagkakataong mabuhay. Ipinalaglag ko siya. 


Hindi naman talaga ang bumagsak na dingding dito sa kusina ang iniwang bakas ni Bagyong Basyang sa akin, mga katanungan at sugat. Ano nga bang pakiramdam ng mayakap ang laman ng sarili kong anak, mainit kaya yon? Kahit kailan ay hindi ko malalaman. Kahit kailan ay hindi ko masasagot. Kahit kailan..

No comments:

Post a Comment