Friday, December 17, 2010

Tulog na

Sinabi ko sa isang kaibigan kanina:

"Kung may problema ka, matulog ka. Kung may iniisip ka at hindi ka makatulog, isipin mo lang ng isipin hanggang sa makatulog ka. At kung hindi ka pa rin makatulog, matulog ka!"

Naisip ko, magandang bagay talaga ang pagtulog. Sa pagpikit ng mata, wala kang ibang kadamay kundi ang iyong sarili. Tanging ikaw ang iyong kaibigan. At ikaw din mismo ang iyong kaaway. 

Lahat ng gusto mong marinig, maririnig mo. Parang lahat ng nangyari sa araw mo na talagang nagpasaya sa iyo, uulit lahat, dadaanan sa talukap ng mga mata mo. Bago ka tuluyang kunin ng kabilang dimensyon, sa kadiliman ng gabi, ngingiti ang iyong mga labi. 

Minsan naman may mga bagay na ayaw mong aminin sa sarili mo, pilit na iluluwa ng utak mo. Nasa dulo na ng dila mo pero gusto mong lunukin. Meron talagang mga pagkakataon na hindi mo matanggap ang isang bagay pero kung tutuusin, parang ganon na rin yon. 'Yon na mismo ang katotohanang masaklap. Bahala ka na lang kung mapipigil mo ba yong luha mo. Sabagay, wala naman ng makakarinig sa hikbi mo. 

Doon sa panahon na iyon, 'yong ilang minutong pag-aaway ng kamalayan at mundo ng ispirito--maari naman nating sabihing ganun kasi sa pagtulog hindi talaga natin alam ang nangyayari sa paligid, o kung sino ang naghahari sa pagpikit ng ating mata, o kung gaano tayo kahina habang tayo ay nananaginip--ay mas makikilala mo ang iyong sarili. 

Sa pagtulog wala kang takas sa problema. Sa pagtulog maari kang tumakas sa problema. Pero sa oras na tumilaok na ang manok at lumubog na ang mga tala, sa iyong paggising, sana ay may lakas ka na ng loob para harapin ang iyong problema. 

At kung sa tingin mo ay hindi mo pa kaya, wag kang mag-alinlangan bumalik sa kama, yumakap sa unan at magtago sa kumot. 

Nasa iyo lahat ng kalayaan para matulog. Sa pagtulog mo, hihinto ang mundo. Kaya tulog na. 

Tulog na
By Sugarfree

Tulog na mahal ko
Hayaan na muna natin ang mundong ito
Lika na, tulog na tayo.
Tulog na mahal ko
Wag kang lumuha, malambot ang iyong kama
Saka na mamroblema

Tulog na hayaan na muna natin sila
Mamaya, hindi ka na nila kaya pang saktan
Kung matulog, matulog ka na...

Tulog na mahal ko
Nandito lang akong bahala sa iyo
Sige na, tulog na muna
Tulog na mahal ko
At baka bukas ngingiti ka sa wakas
At sabay natin harapin ang mundo

Tulog na hayaan na muna natin sila
Mamaya, hindi ka na nila kaya pang saktan
Kung matulog, matulog ka na...

Lalala
Lalala...

Tulog na hayaan na muna natin sila
Mamaya, hindi ka na nila kaya pang saktan
Kung matulog, tulog ka na...
Tulog ka na...
Matulog ka na...

No comments:

Post a Comment